Maaari ng luwagan ng mga local government units (LGUs) ang ipinaiiral na age restrictions para sa mga turista sa mga nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Kabilang ito sa mga inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa kanilang meeting kahapon.
Magugunitang ang mga 15-anyos pababa at mga edad 65 pataas ay pinagbabawalang lumabas ng bahay kahit sa mga lugar na nasa MGCQ.
Pero sa ngayon ay maaari ng luwagan “for tourism purposes” depende sa kinauukulang LGUs matapos ang konsultasyon sa Tourism, Health at Interior and Local Government departments at kailangang bumuo ng ispesipikong guidelines para rito.
Kamakailan nagbukas na ang mga kilalang tourist destinations gaya ng Boracay at Baguio City para buhayin ang kanilang tourism industry na labis na apektado sa COVID-19 pandemic.