-- Advertisements --

Kasunod ng conviction o tuluyang pagbaba ng hatol laban sa 13 Pinay sa Cambodia na umano’y lumabag sa surrogacy ban ng naturang bansa, pinaalalahanan ng Department of Justice (DOJ) ang mga babaeng Pilipino laban sa pagpasok sa ganitong modus.

Paalala ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, magsilbi sana itong babala sa mga kababaihan na posibleng mae-enganyo sa malalaking halaga ng perang inaalok ng mga illegal recruiters.

Babala ni Usec Ty, tiyak na ganitong kapalaran din ang naghihintay sa mga ito kung papayag o maniniwala sa pang-aakit ng mga recruiters, kaya’t mas nakabubuti aniyang huwag na nilang subukan pa ito.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng DOJ na aabot sa kalahating milyong piso ang ibinabayad sa bawat babaeng pumapayag na gawin ang naturang krimen.

Paalala pa ng DOJ official, hindi lamang ang mga Pinay ang mahihirapan dito kungdi maging ang mga batang maisisilang dahil sa naturang modus. Ang mga bata aniya ay maituturing din bilang biktima sa naturang krimen.

Sa kasalukuyan, natukoy na ng DOJ ang ahensiya na nag-recruit sa mga babaeng nahatulan sa Cambodia.

Ang mga ito ay itinuro umano ng pitong babae na kasama ng mga nahatulang Pinay ngunit una nang na-repatriate dito sa bansa.