BUTUAN CITY – Nasa magandang kondisyon na ang agila na nakuha ng isang magsasaka sa Barangay Pangyan, Trento, Agusan del Sur.
Ito ang kinumpirma ni Jerome Albia ng CENRO (City Environment & Natural Resources Office) Bunawan-Agusan del Sur, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan.
Ayon sa CENRO official, nakuha ang agila nitong Marso 31 at nai-turnover kaagad sa kanilang opisina pasado alas-12:00 ng tanghali tsaka dinala sa Philippine Eagle Foundation sa Davao City pasado alas-9:00 ng gabi.
Sa ngayon aniya ay kumakain na umano ang agila at hinihintay na lang na tuluyang makarekober bago ibalik sa kagubatan.
Ang agila ay natukoy na babae na may timbang na 4.5 kilo.
Nilinaw naman ni Albia na aksidenteng nakuha ng magsasaka na nagngangalang Rey Borlaza ang agila na pinaniniwalaang may hinahabol na pagkain ngunit napunta sa trap na ginawa ng magsasaka.
Kaagad naman itong niligtas ng magsasaka at dinala sa barangay kapitan para sa maayos na pag-turnover.