-- Advertisements --

Nagsilbing send off sa mga miyembro ng Gilas Pilipinas ang bagong Nike shoes na kanilang natanggap para isuot sa 2017 Southeast Asia Basketball Association (SEABA) Championship na magsisimula bukas.

Bumilib naman ang mga players ng Gilas dahil sa espesyal na ginawa ang sapatos na inspired sa LeBron 14 na ginagamit ni LeBron James ngayong NBA playoffs.

May nakasulat pa ito sa Filipino na “Agimat” na naging bahagi na ang naturang salita sa kultura ng mga Pinoy bilang pampaswerte o kaya pampabwenas.

Nagpadagdag pa sa kagandahan ng sapatos ay ang mga salita rin na nakasulat sa loob nito na “Para sa Kadakilaan.”

Ayon sa Gilas member na si Troy Rosario, nakaka-proud gamitin ang sapatos dahil first time daw niyang makakita nito na nakasulat sa Tagalog.

Hindi lamang ang mga nabanggit na salita ang nagbibigay inspirasyon sa kulturang Filipino, kundi sa unahang bahagi nito o “shoe tongue” ay nandoon ang letters na MNL (na ibig sabihin ay Manila).

Todo pasalamat naman ang team sa Nike sa kanilang customized shoes na espesyal na ginawa para lamang sa mga Pinoy na kilalang mahilig sa larong basketball.

Unang makakaharap ng Gilas team sa opening day, alas-7:00 ng gabi ay ang national team ng Myanmar.

Ang iba pang makakaharap ng mga Pinoy ay ang team ng Singapore, Malaysia, Thailand at Vietnam.

Napag-alaman na isang slot lamang ang pag-aagawan sa SEABA championship ng mga bansang Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore, Myanmar, Vietnam at Pilipinas upang makapasok sa FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon sa Agosto nitong taon.

Narito ang 12-man Gilas team:

-Calvin Abueva
-Japeth Aguilar
-Raymond Almazan
-Andray Blatche
-Jayson Castro
-June Mar Fajardo
-Jio Jalalon
-Allein Maliksi
-Roger Pogoy
-Terrence Romeo
-Troy Rosario
-Matthew Wright