-- Advertisements --

Kinumpirma ni US State Department Spokesperson Matthew Miller na nagka-usap ngayong araw sina US State Department Secretary Anthony Blinken at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.

Batay sa ulat ng United States Embassy dito sa Pilipinas, sinabi ni Miller na tinalakay sa pulong nina Blinken at Manalo ang agresibo at barbaric na aksiyon ng China laban sa mga tropa ng Pilipinas na nagsasagawa ng humanitarian rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal na parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Inihayag ni Blinken na ang aksiyon ng Peoples Republic of China ay nagpapalala sa sitwasyon sa rehiyon.

Muling binigyang-diin ni Blinken ang Ironclad commitment ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.

Sinabi ni Miller na muling pinagtibay nina Blinken at Manalo ang kahalagahan ng alyansa ng dalawang bansa para mapanatili ang peace and stability sa Indo-Pacific region.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang dalawang opisyal na magpalitan ng pananaw sa kung papaano pa malagyan ng momentum mula sa pinaka latest na high-level bilateral engagements hinggil sa nasabing isyu.