-- Advertisements --

Naniniwala ang ekonomistang mambabatas na si Albay 2nd District Representative at House Ways and Means Chair na si Cong. Joey Salceda na dapat mas magiging agresibo ngayon ang gobyerno sa paglikha ng trabaho para tugunan ang pagtaas ng bilang ng mga kababayan nating walang trabaho.

Batay sa datos na inilabas ni Salceda na nasa 770,000 ang unemployed persons habang nasa 550,000 ang mga miyembro ng labor force.

Sinabi ni Salceda, ang kasalukuyang sitwasyon sa trabaho ay nagpapakita ng walang katapusang kahinaan, pagkakapilat sa ekonomiya na patuloy na nakakaapekto sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya.

Dagdag pa nito na marami din ang nawalan ng trabaho sa pagtatapos ng buwan ng Abril at ang mga bagong manggagawa ay hindi nakahanap ng trabaho.

Paliwanag pa ng mambabatas na ang mga numero ng paglago mula sa huling quarter (8.3%) ay naipon sa mga taong mayroon nang mga trabaho; at hindi lumilikha ng bagong trabaho, kaya hindi ito nakakapanatag dahil sa pagtaas ng inflation.

Para sa mga policymakers, sinabi ni Salceda na panahon na para mag shift sa social benefits system ang gobyerno para duon sa mga targeted cash transfers gaya ng pagbibigay ng universal unemployment insurance.

Kasabay nito, dapat maging mas agresibo sa paglikha ng trabaho ang gobyerno.

Ang programang cash-for-work ay hindi tutugunan ang mga isyung istruktura na humahadlang sa paglago ng mga trabaho.

Ang umaaray at lubhang naaapektuan na mga trabaho ay mula sa sektor ng agriculture at forestry na nawalan ng humigit-kumulang 733,000 trabaho.

Giit pa ni Salceda na hindi basta-basta maglalaho ang usapin sa trabaho, dapat itong tugunan ni Pangulong Marcos kasama ng pagpapabuti ng seguridad sa pagkain.

Iminungkahi din ni Salceda kay Pang. Marcos at sa pamunuan ng Kamara na muling ituloy ang National Broadband Network kasama ang mas maraming magagamit na satellite internet sa mas ilang mga lugar, upang ang mga Pilipino ay makahanap ng mga digital na trabaho saan man sa mundo.

Ang mga freelancer ngayon ay nasa humigit-kumulang 2.5 milyong trabaho sa bansa at inaasahan itong tataas pa ang bilang.