CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng Task Force El Niño ang mga magsasaka at ibang sektor na maghigpit sinturon muna kahit pahina na ang matinding tag-init na humagit ng husto sa buong bansa.
Ginawa ni Task Force El Niño spokesperson Joey Villarama ang pagpa-alala kahit sinabi ng DOST-PAGASA na nasa 69 porsyento nang papasok ang La Niña phenomenon bilang kapalit sa El Niño na nagpayuko ng husto sa sektor ng pagsasaka,pangingisda at sa mga hirap na pamilya sa mga laylayan.
Sinabi ni Villarama na hindi kasi matiyak ng state weather bureau kung mangingibaw ang malaking porsyento ng mga pag-ulan kahit La Niña o mas mangingibaw pa rin ang epekto ng tagtuyot.
Banggit ng task force na nasa strong at mature category kasi ang El Niño na tumama nitong taon kaya hindi dapat magpakampante ang sektor ng sakahan ng bansa.
Bagamat hindi umano masyadong matindi ang epekto ng tagtuyot nitong taon kumpara sa mga taong 1997,2009 at 2015 dahil sa nailatag na interventions ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr.
Magugunitang patuloy ang pag-akyat ng mga bilang ng mga lugar na nag-deklara ng state of calamity sa buong bansa habang bilyun-bilyong piso na pinsala na ang naitala simula tumama ang hagupit ng El Niño.