Bumwelta ngayon ang grupo ng mga magsasaka na Federation of Free Farmers sa naging pahayag kamakailan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na posibleng magkaroon ng rice shortage kung haharangin ang implementasyon ng EO-62.
Katwiran kasi ni Sec. Laurel Jr. na kung haharangin ang implementasyon ng EO 62 sa pamamagitan ng 60-day TRO, posibleng mauubos na ang kasalukuyang stock ng mga importer bago matapos o tanggalin ang TRO.
Ito ay tiyak aniyang magdudulot ng rice shortage dahil hindi na mag-aangkat ng bigas ang mga importer.
Pero ayon kay FFF chairman at dating Agriculture Sec. Leonardo Montemayor, hindi kasalanan ng mga magsasaka o ng mga grupo ng mga magsasaka kung magkakaroon man ng kakapusan ng bigas.
Giit ng dating kalihim, minadali ang paglalabas ng Eo 62 at hindi ito dumaan sa tamang proseso ng batas.
Ayon pa kay Montemayor, hindi rin akmang ipukol ang galit sa mga magsasaka o sa organisasyon ng mga magsasaka dahil sa ginagamit lamang nila aniya ang kanilang constitutional rice sa pamamagitan ng pagpunta sa mga korte.
Maalalang una nang nagbabala ang ilang mga grupo kabilang na ang FFF na maghahain ang mga ito TRO sa Supreme Court upang hilingin ang pansamantalang pagharang sa implementasyon ng Eo 62 na nakatakdang maging epektibo sa July 16 o 15 days mula nang inilabas ito ni PBBM.
Nais din ng mga grupo na panagutin ang National Economic and Development Authority at Tariff Commission dahil sa umano’y kabiguan ng mga ito na magsagawa ng mga konsultasyon.