Nakumbinsi na ng Department of Agriculture (DA) ang ilang local government units (LGUs) na ipadala ang kanilang mga agricultural products sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila.
Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ang ilang bahagi ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) ay nagpadala na ng kanilang initial shipments ng agricultural products matapos makipag-ugnayan sa national government at organisasyon ng mga magsasaka.
Umaasa ngayon ang ahensya na kayang mapanatili ang naturang inisyatibo sa pagtutulungan ng mga hog at poultry raisers, gayundin ang farmers’ cooperatives at associations upang manatiling balanse ang suplay ng pagkain at presyo ng bilihin sa Metro Manila.
Noong Lunes lang aniya ay mayroon ng 700 kg ng iba’t ibang gulay at tone-toneladang karne ng manok mula Calabarzon ang dinala patungong Agriculture Training Institute sa Quezon City.
Ang “One DA Holistic Approach” aniya ay parte ng food security strategies ng ahensya na layong pababain ang presyo ng basic food items sa merkado.
Ayon pa kay DA 4-A (Calabarzon) OIC Director Vilma Dimaculangan na sa mga dadating pang araw ay aasahan ang mas marami pang shipments ng gulay at poultry products sa Metro Manila.
Bukod sa gulay, nakatanggap naman ang Pasay at Alabang ng 612 baboy habang 80 metric tons ng pinakbet vegetables ang nakarating sa Juliana Market sa Balintawak.
Una nang inirekomenda ni Dar kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price freeze sa mga food items.