Binabalangkas na ng Department of Agriculture (DA) ang ilang mga programa upang mahikayat ang mga kabataang Pilipino na magkaroon ng interes sa larangan ng agrikultura.
Sa send-off ng 23 scholars na sasailalim sa farm training sa Japan, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na magbibigay ang DA ng pondo upang mas maraming kabataang Pinoy ang makilahok sa international exchange programs.
Layunin nito na makakuha ang mga ito ng mga bagong teknolohiya at mga kaalaman sa larangan ng agrikultura.
Para kay Laurel, nahasa ang kaniyang kakayahan dahil ipinapadala siya noon sa iba’t-ibang pagsasanay sa labas ng bansa.
Kabilang sa kaniyang napuntahan ay ang Japan at ipinagpatuloy niya ang nasimulang pag-aaral hanggang ito na mismo ang kaniyang naging kabuhayan at ngayon, namuno pa siya sa ahensya ukol sa pagsasaka.
Naniniwala ang opisyal na makabuluhang career ang naghihintay para sa mga kabataang pipiliin ang farming bilang kanilang prioridad sa pag-aaral.