-- Advertisements --

Malaking tulong ang Kadiwa centers sa pag-uugnay ng mga magsasaka at mamimili.

Dahil dito ikinatuwa ni Agri Party List Rep. Wilbert Lee na marinig mula mismo kay pang. Ferdinand Marcos Jr., ang planong pagpapalawig ng napakagandang programa.
Sinabi ng mambabatas, makatutulong ito hindi lamang sa mga magsasaka at mangingisda kundi pati na rin sa mga mamimili, lalo na at ramdam pa rin ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Isinusulong din ni Lee ang House Bill No. 3957 na isa sa mga hakbang upang matulungan ang mga magsasakang kumita habang pinapagaan naman ang pasanin sa ating mga mamimili.

Binigyang-diin ni Congressman Lee na panahon na para i-institutionalize na ang Kadiwa Centers.

Kaya panawagan nito sa mga kapwa mambabatas na ipasa na ang House Bill No. 3957 or the Kadiwa Agri-Food Terminal Act.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, as of April 2021 nasa 41, 357 farmers ang nakapag benepisyo na sa Kadiwa program kung saan umabot na sa P7.241 billion ang kita nito at nasa 4 million pamilya ang nakinabang.

Si Lee ang principal author ng nasabing panukala na layong ilapit ang Kadiwa Centers sa bawat siyudad, munisipalidad sa buong bansa kung saan maaaring ibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga local government units (LGUs) na magtatag ng Kadiwa Agri-food terminals.