-- Advertisements --
Usec Panganiban

Itinuro ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na si Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ang nag-apruba para mag-angkat ng tone-toneladang asukal sa pamamagitan ng piling importers.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ikinuwento ni Panganiban, na nakipagpulong sa kanya ang Pangulo, gayundin ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA), at sinabing, “Let’s do it ourselves first.”

Pagkaraan ng dalawang araw, naalala niya, nakipagpulong sa kanya ulit si Marcos at ilan pang importer ng asukal upang sabihin sa kanila ang pangangailangang mag-angkat ng asukal.

Utos ni Marcos kina Panganiban na kinakailangan ng mag-angkat dahil sa posibilidad aniya na tumaas pa ang inflation rate at tataas pa ang presyo ng asukal sa merkado.

Naguluhan naman si Senadora Risa Hontiveros kaya tinanong nito si Panganiban kung sinabi ba ng Pangulo na “let’s do it ourselves?” depensa ni Panganiban na hindi sinabi ni Marcos ang mga salitang ito ngunit sinabi lamang na “let’s import”

Binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng paglilinaw sa ginawa o hindi sinabi ni Marcos.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, base sa kanyang mga naisulat na punto sa pagdinig, na kay Ppanganiban mismo nanggaling na sinabi sa kanya ng Pangulo na “let’s do it ourselves”

Ani Pimentel, nag-iba agad ang sinasabi ni Panganiban.

Iginiit ni Panganiban na sinabi niya lamang ang mga sinabi ni Marcos sa ganoong paraan.

Samantala, iginiit naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na kailangan ang sugar order para mag-angkat ng asukal at pinapayagan ang importasyon basta mAy clearance mula sa SRA.

Nilinaw ni Bersamin sa pagdinig na may kapangyarihan si Pangulong Marcos na ipag-utos ang importasyon depende sa pangangailangan ng bansa.

Matapos ang pagdinig, humarap si Senadora Risa Hontiveros sa media at iginiit nito na ang nasaksihan kanina sa pagdinig ay pagbabago ng patakaran.

Ayon sa Senadora, parang naagawan ng executive ang papel ng lehislatura sa pagbuo ng polisiya.

Sinabi kasi ni Bersamin na hindi na kailangan pa ng sugar order bago mag-angkat ng asukal na isang regulated commodity na ikinadismaya ng senadora.