BUTUAN CITY – May bago ng unibersidad ang lalawigan ng Agusan del Sur matapos lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11568, ang batas na nagko-convert sa Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology (ASSCAT) na nasa bayan ng Bunawan, sa state university kungsaan i-integrate din dito ang satellite campus na nasa bayan ng Trento.
Base sa batas, ang dating ASSCAT, ay kilalanin at tatawagin ng Agusan del Sur State University (ADSSU) at mabibigyan na rin ito ng mas malaking pundo ng pambansang pamahalaan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Agusan del Sur Congressman Adolf Edward ‘Eddiebong’ Plaza na marami pa silang kailangang tatrabahuin upang madagdagan ang mga kursong io-offer ng unibersidad mula sa kasalukuyang education at agriculture courses na una nilang ini-offer.
Partikular nilang pagsisikapan na may mai-o-offer na mga kursong public administration at medicine ang bagong university.
Dagdag pa ng kongresista, layunin ng kanyang ini-author na batas na hindi na dadayo pa dito sa Butuan City ang kanilang mga constituents upang makapag-aral lang sa Caraga State University.
Kahit na matagal-tagal niya itong tinatrabaho sa Kongreso, balewala ito kay Congressman Plaza dahil ang mas mahalaga ay na-abot na ang matagal na niyang pinapangarap.