LEGAZPI CITY- Tila hindi natuwa ang grupong Alliance of Health Workers (AHW) sa naging anunsyo ni Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople na tatanggap ang Singapore ng mas maraming health workers.
Ayon kay AHW Presidente Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakalungkot na tila ginagawang produkto ang mga Filipino healthworkers na basta na lamang i-export sa ibang bansa.
Paliwanag nito na kung talagang nais na matulungan ng pamahalaan ang medical workers ay kinakailangang taasan ang sahod ng mga ito upang hindi na kailangan pang malayo sa kanilang pamilya.
Nabatid kasi na sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas ang isa sa may pinaka mababang sweldo ang mga nurse.
Iginiit ni Mendoza na overworked ang mga medical frontliners subalit hindi natatapatan ng tamang sahod at benepisyo.
Dagdag pa ng opisyal na kung nagawa ng pamahalaan na doblehin ang sweldo ng mga uniformed personnel ay kakayanin ring taasan ang sahod ng mga frontliners kung talagang iniisip ang kapakanan ng mga ito.