Nagagalak ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas matapos katigan ang kanyang petisyon na bawiin ang kahilingan na gawing permanenteng residente ng U.S. ang kanyang ex-husband na si Gerald Sibayan.
Napaiyak daw ang Comedy Queen noong Biyernes, Marso 28, 2025, nang matanggap ang sulat mula sa U.S. Citizenship and Immigration Services (USCIS) na nag-aapruba ng kanyang hiling na pag-bawi para bigyan ng green card si Gerald.
Sa naging pahayag nito sa Cabinet Files nitong Linggo, Marso 30, inilahad ni Ai-Ai ang kanyang nararamdaman: ‘Diyan ko naranasan ang totoong kasabihan ng bleeding heart, pero hindi talaga natutulog ang Diyos. Bawat patak ng luha at dasal ko, pinakinggan Niya.’
Inilarawan pa ni Ai-Ai na mabigat na karanasan karanasan ito ngunit aniya, ‘lalo kong mamahalin ang sarili ko,’ ito ang naging mahalagang aral na natutunan niya mula sa mga pagsubok na dumaan sa kanyang buhay.
Matatandaan na sa kanyang panayam kay Boy Abunda noong Nobyembre 11, 2024, sinabi ni Ai-Ai na hindi niya babawiin ang petisyon para maging permanenteng residente ng Estados Unidos si Gerald. Ngunit, ipinaliwanag niya sa Cabinet Files na naging matapat siya sa kanyang mga desisyon at aksyon, lalo na sa U.S. Immigration.
‘Ang priority ko ay maging matapat sa lahat ng mga kilos o dealings ko, lalo na sa U.S. Immigration, kaya hindi ako puwedeng magsinungaling tungkol sa kalagayan o mga nangyayari sa marriage ko,’ paglilinaw ng Comedy Queen.
Ani Ai-Ai, nag-file siya ng divorce kaya’t karapatan ng USCIS na malaman na hindi na niya nais magbigay ng benepisyo kay Gerald bilang isang asawa.
‘Kapag hindi ko na siya asawa, hindi na siya entitled sa mga benepisyo ng isang spouse,’ sabi ni Ai-Ai.
Kasama sa kanyang hiling na bawiin ang petisyon at kanselahin din ang travel at work permit ni Gerald.
Ipinahayag pa ni ni Ai-Ai na nadagdagan ang sakit na nararamdaman niya nang matuklasan niyang may third party na dahilan ng biglaang pag-iwan sa kanya ni Gerald.
Ayon kay Ai-Ai, hindi siya ang nakipaghiwalay, kundi si Gerald na mismo ang nagdesisyong umalis.
‘Hindi ko siya pinalaya. Siya ang umalis,’ pagbabalik-tanaw ni Ai-Ai.
Ibinahagi pa ni Ai-Ai na may mga nakakita kay Gerald na magkasama sila ng kanyang third party, bago pa man siya iwan ni Gerald.
Oktubre 14, 2024, nang makipaghiwalay si Gerald sa pamamagitan lamang ng isang Viber message.
Dagdag pa ni Ai-Ai, nang siya’y bumalik mula sa Pilipinas, wala nang anumang komunikasyon kay Gerald. Iniwan na din daw ni Gerald ang kanilang bahay at nagsimulang magpadala ng mga gamit sa bahay ng kanyang mga magulang sa Pilipinas, isang bagay na ikinagalit ni Ai-Ai, na nagpahiwatig umano ng pag-plananong pang-iiwan sa kanya.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Gerald kaugnay sa desisyon ni Ai-Ai na bawiin ang kanyang petisyon o sa mga pahayag na ibinahagi ni Ai-Ai sa media.
Patuloy namang mananatiling bukas ang Bombo Radyo Philippines para sa anumang pahayag mula sa magkabilang panig ukol sa isyung ito.