CENTRAL MINDANAO-Upang matugunan ang kakulangan ng supply ng karneng baboy sa palengke ay kailangang dumami ang mga alagang baboy ng mga hog raisers sa Kidapawan City.
Ito ang pahayag ni Kidapawan City Veterinarian II Dr. Ellaine Mahusay kasabay ng isinagawang turn-over ceremony ng “AI sa Barangay” project sa Multiplier Farm, Barangay Kalaisan ng lungsod.
Sinabi ni Dr. Mahusay na sa pamamagitan ng AI ay mas magiging produktibo ang mga hog raisers dahil mas ligtas sa sakit ang alagang baboy at mas maganda din ang paglaki ng mga ito kumpara sa natural na pagbubuntis.
Dahil raw ito sa kalidad na semilya ng baboy na ginagamit sa AI at iba pang kagandahang dulot ng AI sa mga baboy
Kaugnay nito, maahigit 10 mga alagang baboy naman ang agad na sumailalim sa ceremonial AI matapos lamang ang ribbon cutting ng bagong pig pen sa lugar.
Nagbigay naman ng kani-kanilang mensahe ang mga dumalong opisyal kabilang sina ATI-12 Center Director Abdul Daya-an, ATI-12 Livestock and Project Officer Shirley Baldia, Councilor Peter Salac, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Agriculture, Provincial Veterinarian Rufino Sorupia, City Veterinarian Dr. Eugene Gornez at iba pa.
Masusundan pa ang pagsagawa ng AI sa mga baboy at ang makikinabang dito ay ang mga maliliit na hog raisers at maging ang mga Barangay Animal Health Workers na nag-aalaga ng baboy ay makikinabang din.
Naniniwala ang DA ATI-12 na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay sisiglang muli ang hog raising sa Kidapawan matapos na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF ang lungsod nitong nakalipas na mga buwan.
Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pagsasakatuparan ng AI project dahil alinsunod ito sa hangarin ng City Government na tulungan ang mga magsasaka na makabangon sa hagupit ng Covid19 pandemic sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyekto.
Pinasalamatan niya ang Department of Agriculture-Agricultural Training Institute sa pagtitiwala nito sa City Government sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon at suporta sa mga hakbang para maiangat pa ang agrikultura sa Lungsod ng Kidapawan.