-- Advertisements --

Nagpatawag ng eleksyon ang governing body ng amateur boxing na AIBA sa Nobyembre isang araw makaraang tanggalan sila ng pagkilala sa Olympics.

Ayon kay AIBA executive committee member Umar Kremlev, ihahalal daw nila ang bago nilang pangulo sa darating na Nobyembre 15 sa Lausanne, Switzerland.

Ito rin aniya ay upang makatulong sa pagsasaayos ng kanilang imahe at ng relasyon nila sa International Olympic Committee.

Nitong nakaraang Huwebes (Manila time) nang tanggalan ng IOC ang AIBA ng papel sa 2020 Tokyo Olympic tournaments matapos ang masusing imbestigasyon sa kanilang liderato, at integridad ng mga boxing bouts sa nakalipas na Summer Games.

Ang pagkakahalal ni AIBA president Gafur Rakhimov, na nasa ilalim ng sanctions ng US dahil sa umano’y ugnayan nito sa isang organized crime sa eastern Europe, ang siyang nagtulak sa IOC na kumilos noong nakaraang taon.

Gumawa na rin ang AIBA ng panel upang makipag-ugnayan sa IOC para mapag-usapan ang pagbabalik ng kanilang Olympic status matapos ang Tokyo 2020.