Kinumpirma ngayon ng kampo ni Vice President Leni Robredo na nagpasaklolo na ang kanyang anak na si Aika sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano’y pekeng sex video nitong kumakalat sa social media.
Una rito, naobserbahan daw nilang sa mga nakalipas na araw ay tumaas ang bilang ng mga nag-a-uploads at nagpo-posts sa iba’t ibang blogs, porn sites at social media platform ng naturang video.
Nagbibigay daw ito ng kalituhan sa publiko at nagbibigay ng impression na mayroon itong videos at photos.
Ayon pa sa kampo ni Robrero, dahil na rin umano sa apelyido na Robredo ay naeengganyo ang publiko na i-click ang naturang mga link at dito na rin daw naaabuso ang pagkatao ng nakababatang Robredo.
Sinabi ng co-counsel ni Robredo na si Atty. Pingki Bartolome na ang kanilang hirit sa NBI ay hindi lamang daw para kay Aika kundi para na rin ito sa mga nabibiktima ng mga online predatiors.
Sa pamamagitan naman ng mga kagamitan ng NBI, umaasa si Robredo na ang source ng naturang pekeng scandal at ang responsable rito ay makikilala na at masasampahan ng kaso.
Una rito, inakusahan ng pangalawang pangulo ang kanyang karibal sa pagka-presidente na si dating Sen. Bongbong Marcos ang nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng sex video.
Mariin namang itinanggi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez ang naturang alegasyon.