-- Advertisements --

wps1

Napagkasunduan ng mga bansa sa rehiyon na hindi kilalanin ang Air Defense Identification Zone (ADIZ) ng China sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sinabi ng kalihim, patuloy pa ring gagamitin ng mga bansa sa rehiyon ang bahagi ng West Philippine Sea.

Sinang-ayunan ni Lorenzana ang pahayag ni US Pacific Air Force commander General Charles Brown na iligal ang pagtatatag ng China ng ADIZ sa West Philippine Sea.

Paliwanag ni Lorenzana, mula pa noong unang panahon bukas sa nabigasyon at pangingisda ang karagatan na gustong sakupin ng China sa kanilang ADIZ.

Giit ng kalihim, ang hakbang ng China ay lumalabag sa mga Exclusive Economic Zones ng mga bansang nakapalibot sa karagatan, na itinakda ng UNCLOS o United Nations Convention on Law of the Seas kung saan signatory ang China.

Dahil dito, ituturing ng maraming bansa bilang iligal ang ADIZ ng China at hindi ito susundin na maaring magdulot ng tensyon sa rehiyon.

Sinabi pa ng kalihim, umaasa siyang hindi itutuloy ng China ang kanilang binabalak na ADIZ para sa kapayapaan at istabilidad sa buong rehiyon.