Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa na kanilang bubuhayin muli ang kanilang Air Group.
Ito’y kasunod ng pagbili ng PNP ng tatlong bagong helicopter na nakatakdang i-deliver ngayong taon partikular sa susunod na buwan.
Kabilang dito ang Bell Air helicopter na may twin engine, sunod ang dalawang Airbus single engine helicopter.
Nasa kabuuang P870 million ang halaga ng pondong inilaan ng PNP para mabili ang tatlong nasabing helicopter.
Sa 2018 PNP budget, may nakalaan pang karagdagan na dalawang single engine helicopter ngunit sa 2019 na ito inaasahan na mai-deliver.
Sinabi ni De La Rosa na ngayon ay hindi na mapapakinabangan ang mga second hand helicopters na binili dati ng PNP.
Nabubulok na kasi aniya ang mga ito sa Hangar dahil ginawang ebidensya ng korte sa mga kasong kinakaharap ng mga opisyal ng PNP at Department of the Interior and Local Government na sangkot sa kontrobersyal na bidding noong panahon ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo.
Ang pagbili ng PNP ng mga bagong air assets ay makakatulong sa kanilang anti-criminality at anti-terrorism campaign.