Muli na namang naglunsad ng air strike ang air assets ng Philippine Air Force (PAF) sa mga puwesto ng ilan pang natitirang Maute terror group sa Marawi City.
Nasa ika-43 araw na ngayon mula ng ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao dahil sa ginawang pag-atake ng Maute-ISIS group.
Sa ulat ni Bombo Laurence Geralde mula sa lungsod ng Marawi, pasado alas-6:00 ng umaga kanina ng sunod-sunod na maghulog ng bomba ang fighter jets ng militar.
Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tumutulong na rin sa operasyon ng tropa ng pamahalaan ang dalawang surveillance aircraft ng Australia.
Malaki tulong daw ito sa pagbibigay ng impormasyon sa ground troops tulad ng pagpapadala ng mga images kung saan nagkakanlong pa ang mga kalaban.
Samantala, sumidhi naman ang pagnanais ng ilang mga sibilyan na nasa evacuation centers sa Iligan City na makabalik na sa kanilang tahanan sa Marawi.
Anila, hirap daw kasi sila sa klima sa Iligan kumpara sa nakasanayan nila sa Marawi.
Gayunman, aminado ang mga ito na wala na rin silang dadatnan na mga bahay bunsod ng air strike ng militar at ginawang pagkubkob ng mga terorista sa ilang lugar.
Umaasa na lamang sila na magkaroon na ng wakas ang krisis sa Marawi.