Lumobo ng 26% ang air passenger traffic sa unang anim na buwan ng 2024, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Sa record ng CAB, naabot ang hanggang 29.6 million na pasaherong bumiyahe sa unang anim na buwan ng 2024 dulot na rin ng pagtaas ng international travel.
Ang mahigit 29.6 million ay mas mataas ng 6 million kumpara sa bilang ng mga pasaherong naitala sa unang anim na buwan ng nakalipas na taon.
Ito ay halos katumbas na rin ng 30.5 million na naitala sa unang anim na buwan ng 2019 o bago ang pagpasok ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa unang kalahating bahagi ng taon, umabot sa 13.75 million ang bilang ng mga international passenger. Mas mataas ito ng ilang milyon kumpara sa 8.96 million nitong nakalipas na taon.
Umabot naman sa 15.8 million ang naitalang bilang ng mga domestic passenger; mas mataas ng mahigit isang milyon kumpara sa 14.6 million noong 2023.