GENERAL SANTOS CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng otoridad sa panibagong insidente ng pamamaril sa General Santos City na ikinamatay ng isang aircon dealer .
Kinilala ang biktima na si Romeo Zamora Jr. alyas Dodong residente ng Sarangani Phase 1, Block 30, Brgy. San Isidro ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Alias Jenny, pamangkin ng biktima na may mga lalaking dumating sa kanilang bahay na naghahanap sa biktima.
Nang binuksan ng biktima ang pintuan habang inilalabas ang aircon ay bigla na lang itong binaril sa tagiliran.
Sumigaw pa umano ang biktima subalit nakarinig na lamang siya ng makailang ulit na putok ng baril at nakitang nakabulagta na ang kanyang tiyuhin at wala nang buhay.
Aniya, walo ang naging suspek na may mga takip ang mga mukha at tumakas gamit ang dalawang motorsiklo at topdown.
Sa kabilang dako, isang pamamaril rin ang nangyari nitong araw sa Octavio Village, Barangay Cannery Site sa Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Stephen Faren, na isang supervisor ng Dolefil Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative o DARBC.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, susunduin lang sana ng biktima ang anak at habang sakay ng kanyang motorsiklo, pinagbabaril ito ng hindi kilalang mga suspek.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng otoridad sa panibagong insidente ng pamamaril sa bayan.