-- Advertisements --

PAG-ASA ISLAND – Apat na beses tinangkang itaboy ng China ang PAF C-130 cargo plane na patungong Pag-asa Island kung saan sakay si Defense Secretary Delfin Lorenzana at mga miyembro ng media.

Batay sa radio message ng China, lumilipad umano ang Philippine aircraft sa kanilang teritoryo at dapat umalis ito.

Pero sumagot naman ang mga piloto ng C-130 plane na ito ay lumilipad sa teritoryo ng Pilipinas.

Hindi lamang ang C-130 plane ang ni-radyuhan kundi maging ang C295 aircraft na nauna sa isla kasama si AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano.

Ang ginawang pagtataboy ng China ay kinumpirma mismo ni Lorenzana.

Sinabi ng kalihim na normal umano itong ginagawa ng China sa tuwing lumilipad sa Kalayaan Group of Islands ang mga aircraft ng Pilipinas.

Ayon sa kalihim, ang nasabing “challenge” ng China sa mga aircraft ng AFP ay hindi naman humahantong sa mainit na komprontasyon.

Inihayag din ni Lorenzana na nagmula sa may bahagi ng Subi Reef ang “challenge”  sa dalawang aircraft ng AFP.

Aniya, may mga monitoring and radar equipment na inilagay ang China sa Subi Reef na kanilang inaangkin na bahagi pa ng teritoryo ng Pilipinas.