Asahang bababa ang airfare sa buwan ng Setyembre o pagsisimula ng ‘ber months’, kasabay ng naging kautusan ng pamahalaan na tapyasan ang fuel surcharge na ipinapasa sa mga pasahero.
Ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB), ibababa na ang fuel surcharge sa Level 5 sa Setyembre mula sa kasalukuyang Level 6.
Sa ilalim ng level 5, aabot lamang sa P151 hanggang P542 ang fuel surcharge para sa mga domestic flight habang P498.03 hanggang P2,867.82 para sa mga foreign trip.
Ito ay mas mababa kumpara sa Level 6 na mayroong P185 hanggang P665 na fuel surcharge para sa local trips habang P610.37 hanggang P4,538.4 para sa mga international travel.
Ginawa ng CAB ang naturang desisyon kasabay ng kamakailan ay pagbaba ng presyo ng jet fuel, batay na rin sa report ng International Air Transport Association.
Hanggang nitong kalagitnaan ng Agosto, iniulat ng IATA na ang presyo ng jet fuel ay bumaba na ng hanggang sa anim na porsyento.
Hanggang nitong Jun 2024, umabot na sa 15.77 million ang domestic passenger traffic habang 13.75 million naman ang bilang ng mga international passengers sa bansa.