-- Advertisements --

Kumitil ng 12 katao ang inilunsad na airstrikes ng Amerika sa kabisera ng Yemen.

Sugatan naman ang 30 iba pang indibidwal, base sa Houthi rebels.

Tumanggi naman ang US military na Central Command na magkomento kaugnay sa naturang pag-atake at kung may mga sibilyang nadamay sa insidente.

Ayon sa Houthi rebels, tinamaan ang isang sikat na market sa Farwa district sa kabisera ng Sana’a. Ang naturang lugar ay tinarget na noon ng Americans.

Sa footage na ipinalabas ng isang news channel ng Houthis, makikita ang pinsala sa mga sasakyan at mga gusali sa lugar.

Tinaman din sa magdamag na strikes hanggang nitong Lunes ang iba pang lugar sa Yemen, kabilang ang Amran, Hodeida, Marib at Saada governorates.

Ang naturang pag-atake ay nangyari sa gitna ng pinaigting pang kampaniya ng US na maglunsad ng strikes target ang rebeldeng grupo dahil sa pagpunterya ng mga ito sa mga barkong dumadaan sa Red Sea.

Ginawa din ng US ang pag-atake matapos tumama ang airstrikes sa Ras Isa fuel port sa Yemen noong nakaraang linggo na kumitil sa 74 na katao at ikinasugat ng 171 iba pa.