Pinatitiyak ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Oscar David Albayalde sa mga pulis na makakahuli ng mga drug personalities na gawing “airtight” ang kaso laban sa mga ito.
Ito’y para hindi mauwi sa wala ang kanilang operasyon kung saan nakakapagpiyansa ang mga naaarestong drug personalities.
Gaya na lamang sa kaso ng isang Chinese national na nakilalang si Lin Hong Peng na nadakip noong 2012 at nahulihan ng nasa 20 kilong shabu pero nakapagpiyansa.
Nitong 2017 ay nahuli rin ito pero nakapagpiyansa din.
Habang nito lamang March 23, 2018, dalawang operasyon ang isinagawa ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG)at Philippine Drug Enforcement Agency- isa sa Alabang, Muntinlupa habang ang isa ay sa Makati City.
Sinabi ni Albayalde na ayaw na niyang maulit na nakakalaya lamang ang mga drug suspect dahil sa mga technicalities kaya pinasisiguro niya sa mga arresting officers na sapat ang ebidensiya laban sa mga drug personalities.
Sinabi ni Albayalde na ngayong siya na ang PNP chief, magtutulungan ang Intelligence Group at Counter Intelligence Task Force para mas palakasin ang internal cleansing campaign sa kanilang hanay.
Ayon naman kay PNP-DEG director C/Supt. Albert Ignatius Ferro, si Li Hong Peng ay isa sa mga high value target at kanilang iniimbestigahan kung bakit pansamantalang nakakalaya ito.
Ibinunyag pa ni Ferro na maraming mga safe house ang nasabing Chinese kaya nagsasagawa sila ng “tracing” kung saan-saan ang mga ito.
Dagdag pa nito na ang grupo ni Li Hong Peng ay isang malaking sindikato.
Kaninang alas-5:40 ng madaling araw nang isagawa ng PDEG ang pagpapatupad ng search warrant laban kay Yang Ang Quan alyas Li Hong Peng.
Nakuha sa posisyon nito ang apat na transparent pack na hinihinalaang shabu na tinatayang nasa isang kilo, dalawang cellphone, at samut saring mga dokumento.
Wala naman sa lugar ang subject ng search warrant na si Peng.