Tiniyak ng Philippine National Police na airtight ang kasong kanilang isasampa laban sa suspek ng naganap na shooting incident sa Makati City na nag-ugat lamang sa gitgitan sa kalsada.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil kasunod ng pagkakaaresto ng mga otoridad sa suspek na kinilalang si Gerard Yu na namaril-patay ng kapwa motorista EDSA-Ayala Tunnel sa naturang lungsod.
Batay kasi sa naging imbestigasyon ng kapulisan ay lumalabas na walang Permit to Carry Firearms outside residence si Yu kahit na mayroon itong License to Own and Possess Firearm.
Habang sinabi naman ni National Capital Regional Police Office Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez JR. na nagtugma sa ballistic examination ang Bala ng baril na ginamit sa krimen sa balang nakuha mula sa suspek nang ito ay maaresto sa Pasig City at nagpositibo rin ito sa paraffin test.
Samantala, ngayong araw ay inaasahang sasampahan ng PNP ng kasong murder ang suspek nang dahil sa naturang krimen.
Matatandaang sa ulat, nag-ugat lamang ang naturang krimen sa gitgitan sa kalsada o road rage ng dalawang motorista mula sa kahabaan ng Kalayaan ave. hanggang sa Ayala Tunnel na kalauna’y nauwi na sa madugong pamamaril.
Dead on the spot ang biktima na tinatayang matapos na magtamo ng tama ng bala sa balikat na tumagos naman sa kaniyang leeg habang agad na nirespondehan ng iba pang mga motorcycle rider ang pasaherong babae at sanggol na sakay nito na napag-alamang nanggaling pa sa BGC noong mga panahong nangyari ang insidente.
Mariing kinondena ng Land Transportation Office ang naturan insidente kasabay ng pangakong makikipagtulungan sa mga Philippine National Police para sa imbestigasyon sa nasabing kaso.