KORONADAL CITY – Hanggang sa ngayon hindi pa rin makapaniwala ang mga fans ni Kobe Bryant sa hindi inaasahang pagkamatay nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Charles Nelson, 62, residente ng California ngunit naninirahan na sa Koronadal City kasama ang kaniyang Pilipinang asawa, akala niya ay biro lang ang balitang patay na si Kobe, at nagulat siya nang makitang totoo ang nasabing balita sa kaniyang pagtingin sa computer.
Ayon kay Nelson, hindi pa rin siya makapaniwala sa malungkot na sinapit ng the Black Mamba lalo na’t sinundan nito ang karera nito mula pa nang high school pa ito.
Inilarawan naman nitong “one of the greatest of all time” at hindi umano malilimutan ang legasiya ni Bryant.
Marami ring mga netizens, fans, at basketball icons ang nagpahayag ng kanilang pakikiramay sa pagkamatay ng 41-anyos na NBA legend.
Nasawi si Kobe kabilang ang kaniyang anak na si Gianna habang papunta sana sa isang sports academy na nagsasagawa ng youth basketball tournaments nang bumulusok ang sinasakyan nitong private chopper sa bahagi ng Calabasas, California.