GENERAL SANTOS CITY – Itinuturing na nakakakilabot na pangyayari para sa isang ginang sa Angeles City, Pampanga ang nangyaring 6.1 magnitude na lindol sa Zambales nitong nakalipas na Lunes ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan kay Rodora Lamoste Traymos, tubong Alegria Alabel, Sarangani subalit kasalukuyan nang nakatira sa Angeles City, iniulat nito na “first time” siyang makaranas ng ganoong kalakas na lindol at inakala pa niya na ‘yon na ang katapusan ng kaniyang buhay.
Aniya, 18 silang magkakasamang namasyal at namili sa SM Mall kasama pa ang kaniyang anak, kaya naman ganoon na lang ang kaniyang pag-panic nang maramdaman ang lindol.
Nabasag din umano ang mga salamin sa loob ng mall at may nahulog na mga debris mula sa bubungan.
Habang ang mga naka-display na sapatos at mga damit ay tumapon sa sahig.
Kaya naman kahit mahirap umano ay dali-dali daw siyang tumakbo patungo sa play station kung saan niya muna iniwan ang anak.
Naabutan niya umanong umiiyak ang anak habang nasa ilalim ng mesa habang may kayakap na isa pang bata.
Sa takot ay nagtanong pa umano ang kaniyang anak kung may dinosaur sa loob ng mall.
Umiiyak din ang iba pang mga tao habang nagtatakbuhan palabas ng nasabing mall.
Pagkatapos ng lindol ay nag-blackout na sa buong Angeles.
May naitala ring pagbaha dahil sa pag-apaw ng mga swimming pool.
Sa kabila nito, nagpapasalamat umano si Traymos na naging ligtas sila ng kaniyang pamilya sa nangyaring lindol.