-- Advertisements --

Maaari nang ipagpagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development ang distribusyon nito ng kanilang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP program at iba pang programa ngayong panahon ng halalan.

Ito ay matapos na mabigyan ng Commission on Elections ng exemption mula sa spending ban.

Kinumpirma ito mismo ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia.

Maaalalang naisumite na ng DSWD, National Economic and Development Authority at iba pang ahensya ng gobyerno ang mga pagbabatayang panuntunan sa pagpapatupad nito.

Batay sa inilabas na memorandum ng komisyon, sa tuwing mayroong pamamahagi ng mga programa, kinakailangang present ang election officer ng munisipalidad.

Nilinaw naman ng komisyon na hindi saklaw ng exemption ang spending ban na magmumula Mayo 2 hanggang Mayo 12.

Ipinagbabawal rin sa memorandum ang mga kandidato sa mismong pamamahagi ng ayuda.