Ipinagmalaki ni House Appropriations panel chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagsilbing pinaka malakas na halimbawa para isang transparent at episyenteng paggamit ng pampublikong pondo na walang korapsyon.
Sinabi ni Co ang AKAP ay malinaw na halimbawa kung paano ginamit ang pondo ng bayan na walang korapsyon at direkta itong tumutugon sa inflation at para iangat ang buhay ng mga kababayan natin na nasa kategoryang near-poor.
Ipinunto ni Co, ang pondo ng AKAP ay tiyak direktang napupunta sa mga benepisyaryo hindi katulad ng confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ng liderato ni VP Sara Duterte ay nababalot sa kontrobersiya at korapsyon.
Sa pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 5 milyong near-poor Filipino ang nabigyang ng P5,000 cash assistance at nakamit ang 99.31% utilization rate ng P26.7 bilyon nitong badyet.
Ang nasabing programa ay pinuri dahil sa transparency at epekto nito, na tumutulong sa mga pamilya na makayanan ang mga hamon ng inflation at kahirapan sa ekonomiya.
Ayon kay Co ang tagumpay ng AKAP ay nagkaroon ng malaking kaibahan sa mga kabiguan ng mga nakaraang administrasyon, na kumukwestiyon tungkol sa maling paggamit ng pampublikong pondo.
Tanong ni Co kung nakamit ng kasalukuyang administrasyon ang tagumpay bakit hindi ito nagawa ng dating administrasyon.
Nanawagan din si Co ng accountability hinggil sa maling paggamit ng public resources at human rights abuses ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ng mambabatas deserve ng sambayanang Filipino ang hustisya, kailangang panagutin ang mga responsable sa pag-abuso sa pondo ng bayan at pagkawala ng mga inosenteng buhay.