Malaking tulong umano ang Ayuda Sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga empleyado ng maliliit na kompanya kaya dapat na ipagpatuloy ang programa.
Ayon kay Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo, miyembro ng House committee on appropriations, mas maraming ordinaryong empleyado raw ang matutulungan ng AKAP kung patuloy itong paglalaanan ng pondo.
Ginawa ni Rillo ang pahayag matapos na pangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang distribusyon ng AKAP sa mahigit 13,000 benepisyaryo, na karamihan ay mga empleyado ng maliliit na tindahan sa mga mall sa Quezon City.
Ayon pa kay Rillo bagamat itinakda ang minimum wage rate ng mga manggagawa sa Metro Manila sa P645 kada araw, ang minimum na sweldo ng mga empleyado ng mga service and retail shops na hindi lalagpas sa 15 ang empleyado at manufacturing entity na hindi lalagpas sa 10 ang empleyado ay P608 kada araw.
Iginiit ni Rillo na ang AKAP ay nagsisilbing ‘safeguard’ sa mga ordinaryong empleyado na kinukulang ang kinikita sa kanilang pangangailangan. Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Law, may nakalaang P26.7 bilyon para sa AKAP, para sa susunod na taon, ipinanukala ng Kamara de Representantes ang paglalaan ng P39.8 bilyon sa naturang programa.
Batay sa Memorandum Circular 30 series ng 2024 na inilabas ni DSWD Secretary Rex Gatchalian’ ang mga benepisyaryo ng AKAP ay makatatanggap ng P1,000 hanggang P10,000 ayuda depende sa uri ng tulong na ipagkakaloob sa mga ito.