KALIBO, Aklan — Umabot na sa mahigit 400 ang bilang ng foreign tourist arrival sa Isla ng Boracay noong buwan ng Pebrero.
Sa datos ng Malay Tourism Office, sa kabuuang 80,882 na mga turista mula Pebrero 1-28, 2022, 434 dito ang dayuhan, 353 ang overseas Filipino workers at overseas Filipinos habang 80,095 naman ang domestic tourist na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).
Lalo pang pinaigting ng Malay Municipal Police Station ang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa isla upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga lokal at dayuhang turista laban sa mga kawatan ngayong niluwagan na ang health and safety protocols.
Lahat ng mga bakunadong turista ay maaring makapasok sa Boracay sa oras na makakuha ng “Quick Response” o QR Code via online Health Declaration Card (OHDC) sa pamamagitan ng website ng aklan.gov.ph.