-- Advertisements --

KALIBO, Aklan –Inanunsyo na ni Aklan Governor Florencio Miraflores ang kanyang pagreretiro sa politika.

Subalit, ipinasiguro nito na patuloy ang kanyang pagsuporta sa mga kandidato ng local party na Tibyog Akean para sa eleksyon sa susunod na taon.

Unang umupo si Miraflores bilang gobernador noong 1995 hanggang 2004 at muling nahalal noong 2013 at magtatapos ang kanyang ikatlo at huling termino sa 2022.

Naging alkalde rin siya ng Ibajay, Aklan at naging kongresista mula 2004 hanggang 2013.

Sa oras na palarin, papalit sa kanyang pwesto ang kanyang anak na si Jose Enrique “Joen” Miraflores kung saan makakabangga nito si dating Kalibo Mayor William Lachica.

Ang batang miraflores ay kasalukuyang alkalde ng Ibajay at nagsilbi rin bilang provincial board member simula 2010 hanggang 2016.

Samantala, sa ika-pitong araw ng filing ng COC, naghain na rin ng kandidatura si incumbent 2nd district congressman Teodorico “Ted” Haresco sa ilalim ng Tibyog-Akean.

Makakabangga nito si retired army Lt. Matt Wacan . Nauna dito, naghain rin ng kandidatura si Carlito Marquez, para sa ikatlo at pinal na termino bilang kongresista ng unang distrito laban kina SP member atty Harry Sucgang at sa nag-ober-da-bakod na si Batan Mayor Rodell Ramos.

Sa kabilang daku, inaasahan naman na magiging three-cornerned fight ang labanan sa pagka-mayor sa bayan ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa isla ng Boracay.

Si Malay acting mayor Frolibar Bautista ang unang naghain ng COC laban sa matunog na katunggali na sina Yapak punong barangay Hector Casidsid at Marlyn Gregorio Villaresis , dating kagawad ng nasabing barangay.

Si acting mayor Bautista ang ipinalit sa pwesto ng Office of the Ombudsman matapos mapatalsik si Ceciron Cawaling.