KALIBO, Aklan – Sakaling magtuloy-tuloy ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19), pagahilingin ni Aklan governor Florencio Miraflores sa national inter-agency task force na ilagay ang lalawigan sa enhanced community quarantine (ECQ).
Malaki aniya ang kanyang duda na nakapasok na ang Delta variant dahil sa biglang pagtaas ng kaso at bilang ng mga namamatay bawat araw.
Hinihintay pa umano nila ang resulta ng ipinadalang specimen sa Philippine Genome Center para sa genome sequencing.
Dagdag pa nito na boundary lamang ng Aklan ang Pandan, Antique kung saan unang natukoy ang dalawang kaso ng Delta variant.
Nananatiling nasa high risk area ang Aklan dahil sa mataas na average daily attack rate (ADAR), ICU utilization at positivity rates.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 150 hanggang 200 ang naitatalang kaso bawat araw simula noong buwan ng Mayo habang ang death toll ay nasa 192 na.
Nauna dito, ipinag-utos ng gobernador sa mga alkalde ng Aklan na maghanda ng burial grounds o libingan para sa mga namatay na COVID positive matapos ang pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng nag-iisang crematorium sa siyudad ng Iloilo.