KALIBO, Aklan — Pagsasailalim ng Aklan sa mas mahigpit na quarantine levels o modified enhanced community quarantine (MECQ) pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng probinsiya.
Ayon kay Aklan governor Florencio Miraflores hinihintay na lamang nila ang pasya ng National Inter-Agency Task Force sa darating na Hulyo 22.
Aminado ang gobernador na mabilis na kumakalat ngayon ang impeksyon kumpara noong mga nakaraang buwan ng Abril at Mayo nang ang Aklan ay nasa general community quarantine.
Malakin rin aniya ang posibilidad na nakapasok na ang Delta variant ng COVID-19 sa lalawigan dahil karamihan sa mga residente ng Pandan, Antique, kung saan unang na-detect ang nasabing variant sa mag-asawang kapwa senior citizens ay sa Kalibo nagsasagawa ng kanilang transaksyon.
Ipinag-utos na ng gobernador sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang contact-tracing, facility-based quarantine at localized lockdowns sa mga lugar na may case clustering.
Tanging ang pagsunod sa minimum health standards at ang pagpapabilis ng vaccination rollout ang susi umano sa problema ngayon.