KALIBO CITY – Nadagdagan din ang bilang ng mga may kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Aklan.
Batay sa inilabas na statement ng Provincial Health Office (PHO) ng Aklan, lima na ang tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan.
Ang ika-limang pasyente ay isang 66-anyos na babae mula sa Kalibo.
Siya raw ay asawa ng ikatlong kaso sa probinsya, na isang retired engineer at kasalukuyang lay minister sa Kalibo Cathedral.
Ito ay may travel history sa Maynila kasama ang kanyang mister noong Marso 6, 2020.
Nasa stable condition na raw ito ngayon, subalit inabisuhan na sumailalim sa strict home quarantine.
Dumating ang kanyang confirmatory result mula sa Western Visayas Medical Center (WVMC) kahapon, April 1.
Muling hinikayat ng PHO-Aklan ang mga residentena manatili sa bahay kung hindi naman kailangang lumabas para maiwasan ang pagkalat ng sakit.