KALIBO, Aklan – Nagbabala si Mayor Charito Navarosa ng Libacao, Aklan sa mga patuloy na lumalabag sa health and safety protocols sa kanilang bayan na may inihanda siyang body bags at libingan para sa mga ito.
Ayon sa alkalde ito ay isa kanyang paraan para mabigyang diin na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay isang nakamamatay na sakit kaya dapat lamang na doblehin ang pag-iingat.
Ito ay makaraang napansin ang patuloy na pagdami ng mga kaso sa naturang bayan na umabot na sa 45.
Sa kanyang Facebook post, naghanda umano ang LGU-Libacao ng 100 body bags at 20 catacombs sa mga pasaway na residente na nahuhuling lumalabag sa health guidelines.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa ganitong paraan ay mapaalalahanan ang publiko sa mga kailangan nilang gawin para makatulong na mabawasan ang kaso sa COVID-19.
Maliban sa munisipyo, pansamantalang ipinasara rin ang kanilang Rural Health Unit matapos magpositibo sa deadly virus ang ilan sa kanilang mga empleyado.
Araw-araw na nagsasagawa ng disinfection at paglilinis sa kanilang palengke, municipal building, mga kalye, paradahan at municipal health office.
Nasa 9 na bahay din ang isinailalim sa surgical lockdown sa naturang bayan.