-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inanunsyo ng Provincial Inter-Agency Task Force na ibabalik na muli sa General Community Quarantine (GCQ) ang lalawigan ng Aklan matapos ang Setyembre 7.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon, Jr. ng Provincial Health Office (PHO) Aklan, tuloy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan dahilan na pwede nang ilagay muli sa GCQ.

Naging epektibo aniya ang ipinatupad na Modified Enhanced Community Quarantine para mapababa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Aklan.

Sa isinagawang pulong ng provincial IATF, Linggo ng umaga, Setyembre 5, 2021, 10 LGUs ang nasa low-risk classification habang pitong iba pa ang nasa moderate risk.

Maliban dito, patuloy ang pagbaba ng occupancy rate ng COVID wards at ICU beds ng Aklan Provincial Hospital na nasa 25% na lamang.

Ang GCQ classifications ay magtatagal hanggang Setyembre 30.

Hinihintay pa ang executive order ni Governor Florencio Miraflores ukol dito.