KALIBO, Aklan—Nakapagtala ng kauna-unahang namatay dahil sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ang lalawigan ng Aklan.
Ito ay ang 48-anyos na babae na taga bayan ng Numancia kung saan sinasabing isang immunocompromised patient na naadmit sa St. Paul’s Hospital sa Iloilo City noong Agosto 3 at may travel history mula Aklan papuntang Iloilo via Antique noong Agosto 2 hanggang 3 para sa kanyang medical check-up.
Bago inadmit sa pagamutan ay isinailalim muna ito sa COVID-19 Antigen test at lumabas na negatibo ito sa nakamamatay na sakit.
Dahil lumala ang kondisyon nito ay nagsagawa ng nasopharyngeal swab sa pasyente noong Agosto 4 kung saan lumabas ang resulta ng isinagawang test noong Agosto 6 at napag-alaman na nagpositibo ito sa COVID-19.
Sa ngayon ay na-trace na ang mga direktang nakasalamuha ng pasyente at naka strict home quarantine na ang mga ito kung saan nakatakda ring sumailalim sa COVID-19 RT-PCR test.
Dahil dito, nakapagtala ng dalawang kaso ng nakakamatay na sakit ang nasabing bayan.