KALIBO, Aklan -Muling nadagdagan ang bilang ng mga nagpositibo sa 2019 coronavirus disease o COVID-19 sa lalawigan ng Aklan.
Ito ay kahit na patuloy ang kampanya ng mga health authorities ukol sa kung papaano maiwasan ang nakamamatay na virus.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH) Western Visayas, ang pang anim na kasong naitala sa Aklan ay ang isang 40-anyos na lalaki mula sa bayan ng Kalibo.
Sa official statement na ipinalabas ng Provincial Health Office (PHO) Aklan, ang pasyente ay may travel history sa Metro Manila noong March 14, 2020 kung saan, nagkaroon ito ng ubo noong March 23, 2020 ngunit hindi ito nagpakonsulta sa doktor.
Noong March 30, 2020 lamang umano siya nagpakonsulta sa Aklan provincial hospital na kaagad naman nirefer sa out patient department at binigyan lamang ng gamot na antibiotics na puwedeng inumin sa loob ng pitong araw at itinuring din siyang Person Under Investigation o PUI.
Nakasaad pa sa statement ng PHO na kinuhaan ang pasyente ng specimen sample at kasabay nito ay isinailalim siya sa strict home quarantine.
Nitong Linggo lamang lumabas ang confirmatory result nito mula sa Western Visayas Medical Center kung saan, positibo siya sa virus na SARS-CoV-2 na nagdadala ng sakit na COVID-19.
Sa kasalukuyan, tatlo na ang naitalang kaso ng nasabing sakit sa bayan ng Kalibo habang tig-isa naman sa bayan ng Libacao, Malay at Altavas.
Samantala, nasa 34 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong Western Visayas at sa nasabing bilang, lima dito ang pumanaw na.