KALIBO, Aklan – Idineklara ng Regional Joint Security Control Center (RJSCC) ang Aklan at Guimaras sa ilalim ng category green sa darating na midterm election sa Lunes, Mayo 13.
Ayon sa RJSCC ang lahat ng bayan sa Aklan ay nananatiling mapayapa.
Ito ay kasunod ng pag-assess ng ahensiya sa halos 133 bayan at lungsod sa Western Visayas sa tulong ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Commission on Elections.
Nasa 43 bayan at lungsod ang tinukoy na election hotspots lalo na sa Maasin, Lemery at Calinog sa Iloilo habang ang Moises Padilla sa Negros Occidental ay na-classify sa category red o nasa grave concern.
Nasa 16 na bayan at lungsod sa Negros Occidental at lalawigan ng Iloilo ang isinailalim sa category 1 o areas of concerns.
Ang category red ay mga lugar na may potential o aktibo ang presensiya ng pribadong armadong grupo na maaring magamit ng mga kandidato, pagkakaroon ng mga election related incidents sa nagdaang eleksyon at may kasaysayan o kasalukuyang mahigpit na political rivalry.
Ang mga bayan o lungsod sa ilalim ng category yellow ay may mga napaulat na nangongolekta ng permit to win o campaign at presensiya ng seryosong banta mula sa mga lokal na grupo ng terorista.