KALIBO, Aklan — Umani ng papuri ang lokal na pamahalaan ng Aklan mula sa Department of Health sa pagsusumikap nito sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Kasama nito ang mga lalawigan ng Agusan del Sur at Bataan.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores na wala pang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, pinaigting na nang bawat bayan sa lalawigan ang kani-kanilang health delivery system.
Samantala, hindi pa aniya nakakapasok ang COVID-19 infection sa Aklan ay nagpatupad na siya ng enhanced community quarantine at ipinatigil ang direct flights mula sa Wuhan, China na siyang epicenter ng nakamamatay na sakit.
Agad din na bumuo ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang bantayan ang kani-kanilang komunidad.
Sinabi pa ni Miraflores na maaring sa ika-31 ng Hulyo ay aprubahan na nang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang molecular diagnostic laboratory ng Aklan.
Ang Aklan ay walang naitalang local transmission at zero casualty sa COVID-19.
May 11 positibong kaso ang Aklan at 10 dito ang nakarokober.
Binuksan rin ang Boracay para sa mga turista mula sa Western Visayas, kung saan, mahigpit na ipinapatupad ang mga health at safety protocols.