-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nagbabala ang Aklan Police Provincial Office (APPO) sa mga opisyal at residente ng lalawigan ng Aklan laban sa scam gamit ang pangalan ni provincial director P/Col. Esmeraldo Osia, Jr. para makahingi ng mobile phone load.

Ayon kay P/Corporal Jane Vega, tagapagsalita ng APPO na isang hindi kilalang lalaki na nagpapakilang provincial director ang tumawag kay Makato Mayor Avencio Torres upang humingi ng tulong na makahanap ng contractor para sa ipapatayong bahay sa nasabing bayan.

Agad niyang ibinigay ang numero ng kakilalang contractor sa nagpanggap na si P/Col. Osia.

Sa pag-uusap ng dalawa, humingi umano ang caller ng limang tig-P500 na load.

Sa pagduda, nag-alibi umano ang contractor na mamaya na lamang magpapadala dahil walang tindahan na mabilhan ng prepaid card.

Nagalit umano ang kanyang kausap at pinagbantaan siya.

Dahil sa pangyayari, dumulog si Mayor Torres sa kanilang chief of police na si P/Major Belshazzar Villanoche, hepe ng Makato Police at nakumpirmang hindi gawain ng kanilang provincial director ang manghingi ng load.

Kaugnay nito, hinikayat ni Vega ang publiko na agad na magsumbong sa kanilang tanggapan o sa iba pang law enforcement agency.