KALIBO, Aklan— Sinelyuhan na ang kontrata sa gitna ng Top Line Hi Tech and Synergy Corporation at Aklan provincial government para sa Smart Port Unified Automated Ticketing System para sa Boracay.
Kamakailan lamang ay may naganap na contract signing sa Aklan provincial capitol building na layunin nitong mabigyan ng komportableng biyahe ang mga turista at makaiwas sa aberya sa pagbayad ng environmental at terminal fee patawid sa isla ng Boracay.
Sa pamamagitan ng nasabing sistema, mabawasan ang oras na iginugugol ng mga turista sa Cagban at Caticlan Port sa pag-asikaso ng kanilang paglayag patawid sa isla.
Sinabi ni Eugene Erik Lim, President at CEO ng Topline company, prayoridad nila ang seamless transaction ng mga dayuhan at lokal na turista kung saan, ito rin ang kanilang naging commitment sa gobyerno probinsyal ng Aklan.
Nabatid na halos dekada na ang nakakaraan ng simulang pagplanuhan ang pagsa-moderno ng sistema at ngayon lamang ito na-establish kung kaya’t lubos ang tuwa’t pasasalamat ng mga stakeholders dahil mapapadali at mapapabilis na ang pagbayad ng environmental, terminal at boat fee.
Inaasahan sa nasabing bagong sistema ang kaginhawaan sa paglalayag patawid sa isla ng mga local at foreign tourists lalo na ngayong nalalapit ang summer season na panahon naman sa pagbuhos ng libo-libong mga turista bawat araw.