KALIBO, Aklan—Kinansela ng Aklan provincial government ang klase mula sa pre-school hanggang senior high school both private and public schools sa buong lalawigan dahil sa inaasahan na muling ulanin ngayong araw ang Aklan dala ng shearline.
Habang sa bayan ng Kalibo ay sinuspinde ni mayor Juris Sucro ang trabaho sa munisipyo para sa kaligtasan ng mga empleyado.
Sa kasalukuyan ayon kay Gary Taytayon, operations and warning section chief officer ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO)-Aklan ay patuloy ang kanilang damage assessment lalo na sa mga bayan na nakaranas ng pagbaha at landslides.
Nakabalik na rin sa kani-kanilang tahanan ang mahigit isang daang pamilya na lumikas mula sa bayan ng Altavas, Balete at New Washington matapos na pinasok ng mataas na tubig-baha ang kanilang mga tahanan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang monitoring ng Aklan PDRRMO sa mga low lying areas at inabisuhan ang mga naninirahan sa mababang lugar na hindi na maghintay ng hapon o gabi upang makalikas sa mga evacuation centers kung maranasang muli ang pagbuhos ng malakas na ulan dahil inaasahan na muling bahain ang mga nasabing lugar kung umapaw muli ang tubig-baha mula sa ilog, sapa at irigasyon.