-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kakaiba ang magiging seremonya sa pagpapailaw ng higanteng Christmas tree ngayong taon sa Goding Ramos Park sa Capitol Site, Kalibo, Aklan dahil gagawin itong virtual.

Ito ay pangungunahan ng provincial government at Aklan Culture and Arts Foundation, In. (ACAFI).

Ayon kay ACAFI chairman Albert Menez na hindi muna masasaksihan ng publiko ang tradisyunal na lighting ceremony dahil sa Covid 19 pandemic, ngunit maaaring mapanood ang event sa live online broadcast sa Disyembre 8, 2020.

Papailawan ang Christmas tree sa buong buwan ng Disyembre upang maramdaman ng publiko ang diwa ng Pasko kahit may pandemya.

Dagdag pa ni Menez na karamihan sa mga ginamit na materyales sa ipinatayong Christmas tree ay pawang recycled materials na nakolekta mula sa pananalasa ng malakas na bagyong Ursula sa Aklan noong Disyembre.

Nasanayan na ng mga Aklanon ang mala-piyestang seremonya, kung saan pagkatapos na mapailawan ay may kainan sa food market at tugtugan mula sa iba’t-ibang banda.

Papailawan rin ang mga puno ng kahoy na napalibot sa provincial capitol area.

Umaasa si Aklan Governor Florencio Miraflores na magbibigay ng inspirasyon sa publiko ang naturang aktibidad sa pagsalubong sa 2021.