-- Advertisements --
Boracay 2
Boracay/ FB image

KALIBO, Aklan — Ipinasiguro ni Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na gagawa ng kaukulang hakbang matapos ipahinto ng Aklan Regional Trial Court (RTC) ang demolisyon sa 10 gusali sa beachfront sa Sitio Bulabog, Brgy. Balabag sa isla ng Boracay.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group General Manager Natividad Berdandino na dismayado sila dahil hindi isinama ang task force sa apela ng naturang mga establishment owners sa korte.

Binatikos rin nito ang lokal na pamahalaan ng Malay dahil sa mistulang pagkampi sa mga may-ari ng gusali.

Sa mahigit sa 300 aniyang pinadalhan ng demolition order, ang 10 lang ang hindi sumunod mag-iisang taon na sa Oktubre 26.

Inilabas ang dalawang pahinang temporary restraining order (TRO) na may petsang October 15 ni Aklan RTC Branch 7 acting presiding judge Ronald Exmundo.

Ipinag-utos nito sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni acting Malay Mayor Frolibar Bautista na pansamantalang ipahinto ang demolisyon sa mga gusali na pagmamay-ari ng Aira Hotel; Ventoso Residences; Freestyle Academy Kite Surfing School; Kite Center at Banana Bay; Wind Riders Inn; Pahuwayan Suites; Boracay Gems; Unit 101 at 107 ng 7 Stones Boracay Suites; at Lumbung Residences.

Ang TRO ay epektibo 20 araw matapos na ito ay ipinalabas ng korte.

Batay sa ipinapatupad na batas at patakaran sa isla, ang mga gusali ay dapat na may 30 meters ang layo mula sa dalampasigan.