KALIBO, Aklan – Nasungkit ng 14-anyos na runner ang kauna-unahang gintong medalya para sa lalawigan ng Aklan sa sporting events na 100-meter dash sa nagpapatuloy na 2019 Batang Pinoy National Championships sa Puerto Princesa, Palawan.
Ayon kay coach Jovie Ote, binansagan na “fastest man” ang atletang si Marc Anthony Daroy, residente ng Barangay Polo, New Washington, Aklan at Grade 10 student ng National Comprehensive High School sa nasabing bayan.
Aniya, si Daroy ang pinakamaliit na atletang sumabak sa 100-meter dash ngunit natalo nito ang defending gold medalist na si Justin Angelo Muñoz ng Pangasinan na naging silver medalist na lamang ngayon habang bronze medalist naman ang pambato ng Pasig City na si John Dave Magtangob.
Una rito, ang nasabing “smallest runner” ay nasa ika-limang pwesto noon sa 100-meter dash record sa Visayas Qualifying Leg na ginanap sa Iloilo City noong February 24 hanggang March 3, 2019.
Nabatid na ang Batang Pinoy ay isang national sports development program para sa mga kabataan na nasa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC).